Pabor ang Department of National Defense sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang puwersa ang reserved force ng Armed Forces of the Philippines.
Ito’y kung saan aarmasan na ito ayon kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kanilang pag-aaralan ang bagay na ito. Napapanahon aniya ito lalo’t karamihan ng mga reservist ngayon ay may mga edad na.
Isa sa mga nakikita nilang dahilan ng pagkaunti ng reservist ay ang paglusaw sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps o ROTC noong 2002. Sinabi ng kalihim na kailangan ng AFP ang mga batang reservist para magamit na pandagdag pwersa ng sandatahang lakas.
Samantala, pabor din sina Senador Panfilo Lacson at Gringo Honasan sa plano ng Department of National Defense na sanayin, armasan at patulungin sa kampanya kontra terorismo ang mga military reservist at ROTC graduates.
Ayon kay Lacson, wala siyang nakikitang mali kung gagawin ito ng DND kung kinakailangan ng sitwasyon
Naaayon din aniya ito sa konstitusyon at hindi rin maituturing na kahinaan ng mga awtoridad dahil isang masakit na katotohanan na ang presensya ng terorismo kahit sa mga mauunlad na bansa.
Sinabi naman ni Honasan, kinakailangan na ang lahat ng force multiplier para sa paglaban sa terorismo.
Dagdag ni Honasan, maituturing na itong laban ng mga Pilipino sa mga banta sa kalayaan, kaligtasan at pagwasak sa mga ari-arian.