INIHIRIT ng isang consumer group sa pamahalaan na maglaan ng karagdagang budget para sa internet infrastructure sa bansa.
Giit ng Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3), ang mga Pilipino ay nabubuhay ngayon sa digital age kung saan maraming operasyon ang isinasagawa online.
Sabi ng grupo, na sumusuporta rin sa pagpasa ng batas na nagsusulong sa ‘zero lease’ para sa digital connectivity, ang internet connection ay isa na ngayong karapatang pantao, at ang investments sa broadband infrastructure ay dapat maging prayoridad dahil ang access sa cyber space ay hindi dapat limitado.
“Hindi na dapat luho ang pag-access sa internet… ang dulot ng connectivity ng internet sa mga transaksyon sa pagitan ng mga konsyumer at mga negosyante, sa pagkalap ng impormasyon at pakikipag-ugnayan hanggang ordinaryong mamamayan, at sa pangkalahatang pagpapadala at pagpapasimple ng marami sa ating ordinaryong gawain,” diin ng BK3.
“Kailangang matugunan ang isyu ng kakulangan sa access sa internet sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ng grupo.
Batay sa datos ng pamahalaan, lumabas na milya-milya pa ang layo ng Pilipinas sa mga kalapit na bansa pagdating sa broadband connectivity dahil sa kawalan ng imprastruktura para sa internet connection.
Ayon naman sa 2021 data mula sa National Telecommunications Commission (NTC), natuklasan na may mahigit 22,000 cell sites sa bansa, wala pang one-third ng 90,000 ng Vietnam, at pinagsasaluhan pa ang mga ito ng tatlong telcos.
Matatandaang iminungkahi ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ang 35,000 karagdagang cell sites.
Pahayag naman ng Asian Development Bank (ADB), ang Pilipinas ang may pinakamababang coverage rates ng telecom towers sa Southeast Asian region at mangangailangan ng karagdagang 60,000 towers sa 2031 sa remote areas.
Isinusulong naman ng ilang mambabatas at stakeholders sa telecommunications industry ang pagrebisa sa National Building Code of 1977 kung saan layon nitong alisin ang lease fee para sa telecommunications infrastructure upang matulungan ang telcos na mas mabilis na magkaroon ng access sa cell sites at matugunan ang problema sa internet connectivity ng mga Pilipino.
Napag-alaman na ang House Bill Nos. 8534 at 900, na may magkaparehong layunin, ang dalawang panukala na inihain sa House of Representatives na naglalayong bigyan ang property developers ng tiyak na mga tuntunin at depinisyon sa kung gaano kalaking espasyo ang dapat nilang ilaan upang magkaloob ng kinakailangang telecommunication services.