Pinuri ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang bagong kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ng proteksyon sa mga kababayan nating street dwellers o mga nakatira sa lansangan.
Matatandaang noong January 18, 2024, inilabas ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 52 na magpapalawak sa Pag-Abot program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa bisa ng kautusang ito, kabilang na ang mga homeless sa mga magiging benepisyaryo ng naturang programa.
Ayon kay Hon. Vargas, konktretong halimbawa ng malasakit ng administrasyong Marcos sa mga mahihirap na Pilipino ang pagpapalawak sa Pag-Abot program. Aniya, pioneering social protection measure ito na napapanahon sa paglobo ng populasyon sa bansa.
Dagdag pa ng Quezon City councilor, ikinakatuwa niya ang inisyatibong ito ng pamahalaan dahil magbibigay ito sa mga mahihirap na pamilya ng pagkakataong makaahon sa buhay.
Matatandaang sa ilalim ng Pag-Abot program, mayroong nine assistance packages na makukuha ang mga benepisyaryo. Ito ang mga sumusunod:
- financial assistance
- transportation or relocation assistance
- transitory shelter assistance
- livelihood assistance
- employment assistance
- psychosocial support
- capability building of communities
- capacity building of local government units (LGUs)
- community assistance
Ayon kay Hon. Vargas, innovative at praktikal ang polisiyang ito ni Pangulong Marcos. Bilang dating Chairperson ng House Committee on Social Services sa Kongreso, pinuri rin niya ang whole-of-government approach ng Pag-Abot program para sa mga pamilya at batang nakatira sa lansangan. Para sa kanya, ang polisiyang ito ang magliligtas sa kinabukasan ng napakaraming kabataan sa lansangan.