Tinutulan ng Bayan Muna ang panukalang palawigin ang batas militar sa Mindanao gayundin ang planong pagsailalim sa martial law ng Negros Oriental dahil sa serye ng patayan dito.
Ito ayon kay Bayan Muna party-list representative Eufemia Cullamat ay dahil sa dalawang taong pagpapatupad ng martial law sa Mindanao, tumaas pa ang bilang ng mga paglabag sa karapatang pantao na higit na apektado ang mga katutubo.
Bukod dito, sinabi ni Cullamat na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos at natatapos ang rehabilitasyon sa Marawi sa ilalim nang ipinatutupad na batas militar.
Dismayado aniya sila dahil hindi pa rin nakakabangon ang mga biktima ng giyera sa halip na mapadali ang pagtulong sa mga ito.
Ipinabatid pa ni Cullamat ang pangamba nilang posibleng magamit ang mga patayan sa Negros Oriental para maipatupad ang martial law sa lugar sa halip na solusyunan ang problema.