Dapat palawigin ang bisa ng COVID-19 Vaccination Program Act.
Ito ang inapela ng Department of Health (DOH) sa kongreso dahil magiging invalid na ang probisyon kapag inalis na ang idineklarang National State of Calamity.
Maliban dito, sinabi ni DOH Officer In Charge Maria Rosario Vergeire na nais din nila itong idulog sa mga opisyal ng senado na amyendahan ang RA 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
Aniya ang nasabing batas ay sasaklaw sa Emergency Use Authorization ng COVID-19 vaccines, tax exemptions para sa assistance na natatanggap ng gobyerno, emergency procurements at price control ng commodities.
Matatandaang, noong Setyembre 2021 pinalawig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 State of Calamity sa bansa hanggang Setyembre 12, 2022.
Samantala, ipinabatid naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na titignan nila ang apela ng DOH.