Naniniwala ang University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team na makatutulong ang pagpapalawig ng enhanced community quarantine (ECQ) para mapahupa ang pagdami ng kaso ng sakit sa bansa.
Ayon sa grupo, kung pababayaan ito at mawawala ang pag-iral ng ECQ, hindi umano malayong pumalo sa 600,000 hanggang 1.4-milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ngunit dahil umano sa pa- iral ng ECQ, napabagal nito ang paggalaw ng mga tao gayudin na naiiwasan nito na makahawa o kumalat pa ang nasabing sakit.
Kasabay nito, inirekomenda ng UP team ang implementasyon ng “modified quarantine” kung saan mananatiling walang pasok sa mga paaralan at ilang trabaho, mas madalas pa ring mananatili sa bahay ang mga tao ngunit magkakaroon na rin ng kahit papaanong kalayaan ang mga ito sa paggalaw lalo na sa pagbili ng pagkain at iba pang pangangailangan.