Maituturing na pag-amin ng kawalang kakayahan sa panig ng pamahalaan ang pagpapalawig sa pag-iral ng Martial Law sa Mindanao.
Ito ang inihayag ng cause oriented group na Tindig Pilipinas na binubuo ng mga miyembro ng oposisyon makaraang aprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit pa ng grupo na walang nakasaad sa saligang batas o sa katotohanan ang mga batayan para sa pagpapalawig ng umiiral na Martial Law sa rehiyon at isa lamang uri ito ng pagkamal ng kapangyarihan ng isang pumapatay at tiwaling rehimen.
Binatikos din ng grupo ang mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso na anila’y walang pagpapahalaga sa umiiral na batas, sa demokrasya at tunay na saloobin ng taumbayan.
Kasunod nito, nanawagan ang grupo sa publiko na labanan ang tumitinding pasismo dahil ang pinalawig na batas militar ay nangangahulugan ng isang umuusbong na diktadurya.