Pinababalewala ng mga taga – oposisyon sa Kamara ang isang taong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Nanawagan sa Korte Suprema ang grupo sa pangunguna ni Congressman Edcel Lagman na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction para hindi na maipatupad ang martial law extension at suspensyon ng privilege ng writ of habeas corpus sa Mindanao.
Binigyang – diin ng grupo na walang basehan para palawigin ang martial law dahil wala naman anilang aktuwal na rebelyon sa Mindanao,
Hindi din umano uubrang basehan sa konstitusyon ang mga bantang karahasan at terorismo ng terrorist groups.
Ito anila ay dahil ang imminent danger ay binura na bilang basehan nang pagkakasa ng batas militar sa ilalim ng 1987 Constitution.
Matatandaang inaprubahan na ng Kongreso ang pagpapalawig ng isang taon sa idineklara at umiiral na martial law sa Mindanao.
Sa isinagawang joint session sa Kamara de Representantes, kabuuang 240 boto ang pumabor sa martial law extension habang 27 naman ang tutol dito.
Sa panig ng Senado, 14 ang pabor, 4 ang tutol at walang nag – abstain.
Habang sa panig naman ng Kamara, 226 miyembro ang pumabor, 23 ang tutol at walang nag – abstain.