Magkahalo ang emosyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa pag-apruba ng kongreso sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao.
Ayon kay Alvarez, nalulungkot siya dahil sa halip na palawigin ng hanggang limang taon ang batas militar sa mindanao gaya ng kanyang ipinanawagan, pinalawig lamang ito nang hanggang December 31 ngayong taon.
Gayunman, masaya at nagpapasalamat ang kongresista sa kanyang mga kapwa mambabatas sa senado at kamara na sumuporta sa hiling ng pangulo.
Hindi na rin anya kailangang i-monitor ng kongreso ang ang human rights situation sa mindanao sa ilalim ng batas militar lalo’t nagpapatuloy naman ang pag-dokumento ng media sa sitwasyon partikular sa Marawi City, Lanao del Sur.
Samantala, maghahain ng petisyon sa Korte Suprema sina Albay 1st district Rep. Edcel Lagman at tatlong iba pang mambabatas mula minority bloc upang kuwestyunin ang martial law extension sa Mindanao.
Kasamang maghahain ng petisyon sina Akbayan partylist representatives Tom Villarin, Gary Alejano ng Magdalo at Teddy Baguilat ng Ifugao province.
Bagaman hindi idinetalye ng kung kailan sila magpapasaklolo sa supreme court, tiniyak ng mga kongresista na gagawin nila ito sa lalong madaling panahon.
Iginiit ni Lagman na sa ilalim ng konstitusyon ay epektibo lamang ang batas militar ng hanggang animnapung araw.
Sa isinagawang joint session ng kongreso at senado kahapon, inaprubahan ng mga mambabatas ang hirit ni Pangulong Duterte ng palawigin ang batas militar sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2017 sa botong 261-18 pabor sa pangulo.
By Drew Nacino