Umaasa ang pribadong sektor na maibababa sa 50 taong gulang ang papayagang maturukan ng ikalawang booster shot kontra covid-19.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Joey Concepcion, Go negosyo founder at dating presidential adviser for entrepreneurship, na ang mga 50 taong gulang pataas sa Estados Unidos ay eligible na makatanggap ng 2nd booster shot.
Mainam aniya na sundin ang US Centers for Disease Control (CDC), gayong binili naman sa Amerika ang mga bakunang Pfizer at Moderna.
Sa ngayon, tanging mga senior citizen at immunocompromised individuals sa bansa ang pinapayagang makatanggap ng second booster dose.
”Binili natin ang mga bakuna sa Amerika, hindi ba? ‘yung Pfizer at Moderna. Siguro naman alam ng mga Amerikano anong pwede at hindi pwede dito ano? So ngayon pwede ang 50 years and above at ang sinasabi ko pati below 50 years pinag-aaralan na iyan kung ibibigay nila and second dose. Palagay ko ibibigay kasi ibang bansa ibinibigay na rin eh,” pahayag ni Concepcion.
Samantala, nagbigay naman ng mungkahi si Concepcion sa pamahalaan upang hindi na maulit pa ang pagkasayang ng mga bakuna.
Una rito, sinabi ni Concepcion na mahigit P1.3 bilyong halaga ng covid-19 vaccines na binili ng pribadong sektor ang mapapaso sa katapusan ng Hulyo.
“Kailangan i-establish sino ba ang talagang hahawak dito. Yung HTAC or NVOC at siguro naman bigyang kapangyarihan ‘yung Department of Health na secretary na pwedeng i-overrule itong mga committee na ito,” ani Concepcion.