Inaprubahan na ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon na palawigin pa hanggang sa katapusan ng Enero, ang umiiral na travel restrictions sa 33 mga bansa na may naitalang kaso ng bagong variant ng COVID-19.
Ibig sabihin, ang sinumang manggagaling sa mga sumusunod na bansa ay hindi papayagang makapasok sa bansa: United Kingdom, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, The People’s Republic of China o Mainland China, kasama ang Hong Kong Special Administrative Region, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, United States Of America, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Austria, Pakistan, Jamaica, Luxembourg, at Oman.
Dahil dito, iniutos ng transportation department ang mahigpit na pagpapatupad ng issuances sa mga airline companies na magsasakay ng mga pasahero na mahigpit na pinagbabawal na makapasok sa bansa sang-ayon sa atas ng punong ehekutibo at IATF.
Papaigtingin din ang contact tracing protocols kung isasama ang third generation contacts para sa new variant cases.
Lahat naman ng mga matutukoy na close contacts ng isang COVID-19 positive, ay kakailanganing sumailalim sa mandatory 14 day quarantine.
Sa kabila ng pinalawig na travel restrictions sa higit 30 mga bansa, hindi pa rin isinama rito ang United Arab Emirates (UAE).
Pero giit ni Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque, hintayin na lang ang anumang anunsyo ng punong ehekutibo dahil kung isasama naman nito ang uae sa travel restriction, ay agad naman na i-aanunsyo ito ng Pangulo.