Lusot na sa Senado ang mga panukalang batas na naglalayong palawigin ang validity ng 2020 General Appropriations Act at Bayanihan To Recover As One hanggang sa susunod na taon.
Sa ilalim ng House Bill Number 6656, palalawigin ang availability para sa pagpapalabas at paggasta sa natitira pang pondo ng 2020 national budget hanggang sa December 31, 2021.
Habang layon naman ng House Bill 8063 na palawigin pa hanggang June 30, 2021 ang bisa ng Bayanihan 2 na mapapaso na sa darating na December 19 kasabay ng adjournment ng Kongreso.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara, nag-sponsor sa mga naturang panukala, nasa P110-B pa sa ilalim ng 2020 national budget ang hindi pa nagagastos o naipalalabas hanggang nitong Nobyembre.
Samantala, nasa P38-B naman aniyang pondo ng Bayanihan 2 ang hindi pa naipapalabas hanggang nitong December 11.
Sinabi ni Angara, kabilang sa mga ahensiya ng pamahalaan na may natitira pang malaking pondo ang DepEd, CHED, DPWH, DOTr at Philippine Sports Commission.
Kapwa sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang nabanggit na panukalang batas dahilan kaya agad itong inaprubahan sa ikatlong pagbasa matapos maipasa sa ikalawang pagbasa.