Irerekomenda ng Metro Manila Council (MMC) ang pagpapalawig pa ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) pagkatapos ng May 15.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivares, chairman ng konseho na binubuo ng mga alkalde ng Metro Manila, ibinatay ng mga alkalde ang kanilang rekomendasyon sa payo ng kani-kanilang task force na binubuo ng mga eksperto.
Sinabi ni Olivares na tututulan nila sakaling may mga lugar sa Metro Manila na ilagay na sa general community quarantine (GCQ) at ilang lugar na mananatili sa ECQ.
Mas mahirap anya itong bantayan dahil halos dikit-dikit lamang naman ang mga syudad sa NCR.
Kapag po nag-GCQ ang isang bayan sa NCR at magkakadikit po ‘yan, at nagpa-implement po kami ng hard lockdown sa isang barangay at hindi rin po all over sa munisipyo, ano po ang magiging epekto no’n? Gano’n din po, ‘di po ba? Kailangan talaga i-implement lang po ng ating LGU ‘yung ECQ sa bawat city sa Metro Manila,” ani Olivares.
Tiniyak ni Olivares na kakayanin pa ng mga local government units sa Metro Manila na mabigyan ng ayuda ang kanilang mamamayan kahit pa ma-extend hanggang May 30 ang ECQ.
Tuluy-tuloy po ang pagbibigay ng mga food packs ng ating local government units, pero dito po sa lungsod ng Parañaque, kami po ay nag-usap-usap po ng aming vice mayor at ng ating city council na nag-allocate po kami ng budget, kasi alam naman po natin na hindi po suspisyente ‘yung number na inallocate sa bawat LGU all over the country at lalong-lalo na po sa NCR,” ani Olivarez. —sa panayam ng Ratsada Balita