Iminugkahi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Malacañang na ikonsidera ang muling extension ng Executive Order(EO) na pansamantalang nagbababa sa buwis ng imported na karne at bigas.
Tinukoy nito ang EO 171 na inisyu ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda nang mapaso sa katapusan ng taon.
Sa naturang eo, ibinaba sa kalahati ang taripa ng pork at bigas bukod sa mais at coal o uling.
Naniniwala si Villanueva na ito ang agaran na magagawa ng gobyerno para pansamantalang matugunan ang food inflation o ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga produktong pagkain.
Para sa pangmatagalan o medium at long term na solusyon sa mataas na presyo ng pagkain, sinabi ni villanueva na matutugunan ito ng pagbubuhos ng suporta sa sektor ng agrikultura.
Kailangan umanong pagtuunan ng gobyerno ang pagpapalakas ng agrikultura sa pamamagitan ng paglalaan dito ng programa at angkop na pondo sa ilalim ng pambansang budget para sa susunod na taon. - sa ulat mula kay Cely- Ortega Bueno (Patrol 19).