Isinusulong ni ‘1 – Ang Edukasyon’ Party-list representative Salvador Belaro ang pagpapalawig sa education voucher system sa kolehiyo.
Ayon kay Belaro, dapat magkaroon na rin ng voucher system sa mga pribadong paaralan para sa mga estudyante mula sa low income at lower middle class families.
Batay sa record ng Commission on Higher Education (CHED), nasa 1. 4-M ang enrolees sa state universities and colleges (SUCs) habang mas malaki sa private institutions na nasa 1.6-M.
Sinabi ni Belaro na mas maraming mag-aaral ang nag-e enroll sa pribadong eskuwelahan dahil overcrowded na ang SUCs habang ang ilang lugar ay walang public schools.
Maaari aniyang makatulong ang gobyerno sa mga estudyante sa pamamagitan ng vouchers na iuugnay sa student numbers.
Sa ngayon ay libre lamang ang matrikula sa SUCs at limitado lang sa kabuuang higher education enrolment.
DepEd may panawagan sa publiko
Patuloy ang panawagan ng Department of Education (DepEd) sa publiko na mag-avail sa voucher program para sa senior high school na magtatapos ngayong araw na ito.
Ayon sa DepEd, tatanggap pa rin sila ng application para sa voucher program sa pamamagitan ng online hanggang mamayang alas-12 ng hatinggabi.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na tanging sa online applications lamang magkakaroon ng extension at hindi na sila tatanggap pa ng manual applications.
Pinaalalahanan din ng DepEd ang mag-aapply via online na isumite ang scanned copy ng kanilang mga requirements tulad ng voucher application form, 2×2 colored photo, katunayan ng kabuhayan ng mga magulang o guardian at parent consent form para sa mga mag-aaral na 18 taong gulang pababa at certificate of financial assistance na natanggap na ilalabas ng paaralan.
with report from Jaymark Dagala (Patrol 9)