Dapat munang pag-aralang mabuti ng Commission on Elections o COMELEC ang plano nitong palawigin ang panahon para sa pangangampaniya ng mga kandidato.
Ayon sa election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, tiyak kasing aalma ang mga kandidato dahil sa hindi naman din tinataasan ang halaga ng maaari nilang gastusin.
Mula sa kasalukuyang 90 araw para sa mga kandidato sa pagka-Pangulo at Pangalawang Pangulo at 45 araw naman para sa lokal na pamahalan, gagawin itong 120 araw mapa-nasyunal o lokal na posisyon man.
Una nang inihayag ng COMELEC na kung mapapagtibay, agad itong ipatutupad sa Enero 10 sa susunod na taon kasabay ng opisyal na pagbubukas ng election period.
Biometrics System
Mawawalan ng saysay ang kampaniya ng Commission on Elections o COMELEC na No Bio, No Boto sa darating na eleksyon.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer, ito’y dahil sa kinansela na ng COMELEC ang biometrics verification system na gagamitin sa mismong araw ng halalan.
Sa paggamit aniya nito, hindi na kailangang pumila pa ng mga botante para tiyakin kung rehistrado sila o hindi dahil sa thumbmark lamang aniya sa computer ang kailangan para makita ang kanilang profile.
Hindi rin naitago ni Macalintal ang kaniyang pagkadismaya sa COMELEC dahil sa tila hindi pagkilala sa kanilang kampaniya na hikayatin ang mga Pilipino na magpa-biometrics.
By Jaymark Dagala