Suportado ng Private Hospitals Association of the Philippines Incorporated (PHAPI) ang pagpapalawig sa state of calamity sa bansa hanggang sa unang quarter ng susunod na taon.
Sa gitna ito ng banta ng panibagong COVID-19 Omicron subvariants.
Ayon kay PHAPI President, Dr. Jose Rene De Grano, hindi pa naman tuluyang naglalaho ang COVID-19 dahil nanganganak pa rin ito ng mga bagong subvariant.
Kailangan anyang obserbahan at i-monitor kung bababa ang mga kaso sa susunod na tatlong buwan bago tuluyang magpasya kung aalisin na ang state of calamity.
Kamakailan ay hiniling ng DOH kay Pangulong Bongbong Marcos na palawigin ang state of calamity na nakatakdang mapaso sa Sabado, Disyembre 31.
Samantala, inihayag ni De Grano na nananatiling mababa o low risk ang COVID-19 admissions sa mga pribadong pagamutan pero dapat maghanda ang mga ospital sa posibleng pagsirit muli ng kaso matapos ang holiday season.