Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pag-aaralan pa nila kung palalawigin na ang oras ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa Metro Manila oras na ibaba na sa Alert Level 1 ang rehiyon.
Ayon kay MMDA traffic czar Edison Bong Nebrija, kailangan pa nilang obserbahan kung anong oras ang pinakamaraming sasakyan at lagay ng trapiko sa pangunahing kalsada kapag Alert level 1 na.
Posible aniyang tumagal ang obserbasyon mula tatlong araw hanggang isang linggo.
Pero, batay raw sa inisyal na plano, target na ring magpatupad ng number coding scheme simula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga.
Sa ngayon kasi, umiiral ang nasabing patakaran para sa pribadong sasakyan tuwing alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes maliban na lamang kung holiday.—sa panulat ni Abie Aliño-Angeles