Iminungkahi ng isang mambabatas sa gobyerno na gumawa na ng desisyon kung palalawigin pa o hindi ang ginawa nitong suspensiyon sa kanselasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, mapapaso na sa Disyembre ngayong taon ang suspensiyon ng VFA termination pero maaari naman itong i-extend ng Pilipinas ng anim pang buwan.
Paliwanag ni Biazon, may tatlong pagpipilian ang pamahalaan. Una, i-withdraw ang termination, pangalawa’y i-extend ito at pangatlo’y ituloy ang pagkansela sa VFA at wakasan na ang nabanggit na kasunduan.
Pero ibinabala ni Biazon na anuman ang magiging desisyon ng gobyerno ay mayroon itong impact o epekto sa foreign policy ng bansa, gayundin sa polisiya sa pagtatanggol sa West Philippine Sea (WPS).
Aniya, posible rin itong magkaroon ng epekto sa kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo.