Naghain ng resolusyon ang mga Minority senators para ipanawagan ang agarang pagpapalaya kay Senadora Leila de Lima na mag-iisang taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center.
Sa inihaing Senate Resolution Number 645 nina Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, Senador Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV at Risa Hontiveros, nakasaad na kanilang ikinalulungkot na isa sa kanilang kasamahan ang nakakulong dahil lamang sa imbentong kaso.
Sinabi pa ng mga Minority senator na si De Lima ang unang prominenteng political prisoner sa ilalim ng Duterte administration na kinasuhan dahil sa pagpapaimbestiga nito sa Davao Death Squad at extrajudicial killings.
Nakaranas din anila si De Lima ng matinding pasakit dahil sa pagbubunyag hinggil sa intimate relationship nito, pagbabantang ipakikita ang umano’y sex video nito sa Kamara at pagtawag na immoral.
Samantala ikinalugod naman ng minorya ang dumaraming mga grupo at human rights advocates na nagsususlong ng pagpapalaya sa senadora.
(Ulat ni Cely Bueno)