Dapat nang mapalaya si Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at kapatid nitong si Reynaldo Junior.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng bise alkalde, ito ay dahil lagpas na ang tatlumpu’t anim (36) na oras ngunit hindi pa rin naisasalang sa inquest proceedings at nasasampahan ng kaso ang kanyang kliyente.
“Wala pang i-finile na kaso laban sa kanila, dapat nga by 6 PM kahapon ay na-inquest na siya dahil yun ang batas eh pero hindi nagkaroon ng inquest, hinintay namin hanggang 6:30 sa DOJ, kaya dapat nga po palayain na siya ngayon. Kung meron mang kasong ifa-file ay dapat under regular preliminary investigation na po.” Ani Topacio
Kasabay nito, nakatutok aniya ang kanilang kampo sa mga iregularidad sa pagsisilbi ng search warrant sa bahay ng mga Parojinog ng mga tauhan ng CIDG o Criminal Investigation and Detection Group at Ozamiz PNP.
“Ipapakita natin ang mga ebidensya when the proper time comes, nagko-concentrate tayo ngayon sa sinasabing irregularity at illegality ng pag-serve ng search warrant. The Vice Mayor is still in the state of shock at medyo hindi pa natin malalimang napag-uusapan ang kaso.” Pahayag ni Topacio
Kasabay nito ay kinumpirma rin ni Topacio na tooong lumapit sa Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ang pamilya Parojinog ngunit aniya sa ngayon ay hindi pa nakakapagpasya ang grupo kung tutulong sa kaso o hindi.
Kasalukuyang naka-ditene sa Camp Crame ang inarestong magkapatid na Parojinog matapos ang madugong raid sa Ozamiz City kung saan napatay ang kanilang ama na si Mayor Reynaldo Parojinog at inang si Susan.
By Ralph Obina | AR | Ratsada Balita (Interview)