Suportado ng Liga ng mga Barangay ang plano ng administrasyong Duterte na muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Mayo ng susunod na taon.
Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kaugnay sa nasabing plano, sinabi ni Liga ng mga Barangay National President Edmund Abesamis na mainam ang nasabing plano.
Aminado si Abesamis na marami sa mga opisyal ng barangay ang nagsisilbing bata-bata ng mga drug lord kaya’t madaling matutukoy ang mga ito kung mananatili pa sila sa puwesto.
Dahil dito, kumpiyansa si Abesamis na sa nasabing hakbang ng pamahalaan, matutukoy nito kung sinu-suno ang mga sangkot sa iligal na droga at madaling mapapanagot kung kinakailangan.
Operasyon ng COMELEC normal parin
Nananatiling normal ang operasyon ng COMELEC o Commission on Elections partikular na sa paghahanda para sa Barangay at SK Elections.
Ito’y ayon kay COMELEC Commissioner Arthur Lim sa harap na rin ng mga problemang kinahaharap ni COMELEC Chairman Andres Bautista sa kaniyang pamilya.
Gayunman, sinabi ni Lim sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform na hindi nila batid ang mga susunod na hakbang ni Bautista.
Ngunit ang hakbang aniya ng Poll Chief na dumadalo pa rin sa mga public consultation sa Davao City sa kabila ng mga kontrobersiyang hinaharap nito ay indikasyon pa rin ng normal na tumatakbo ang operasyon ng ahensya.