Nanganganib na ipagpaliban na lamang ng Commission on Elections (COMELEC) ang eleksyon sakaling magahol sa panahon bunga ng direktiba ng Supreme Court sa COMELEC na mag-isyu ng resibo ng mga ibinoto sa eleksyon.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer, hindi lamang ang mas mahabang panahon ng pagboto ang magiging problema ngayon ng COMELEC kundi pati ang mga naimprenta nang mga balota at panahon para i-configure uli ang PCOS machines at mapagana ang kakayahan ng makina na maglabas ng resibo.
Sinabi ni Macalintal na sa ilalim ng batas, mayroong kapangyarihan ang COMELEC na ipagpaliban ang eleksyon kung mabibitin sila sa paghahanda.
“May kapangyarihan naman ang COMELEC sa ilalim ng section 5 and 6 ng ating Omnibus Election Code na magkaroon ng postponement, tsaka wala tayong magagawa, pag sinabi ng COMELEC na hindi namin kaya ay kahit anong batas ang naririyan ay wala tayong magagawa, sasabihin na lamang ng COMELEC okay tuloy tayo ng May 2016 pero manual elections, kasi kapag manual walang problema yans a pag-configure ng mga makina.” Ani Macalintal.
Dahil dito, kumbinsido si Macalintal na maghahain ng motion for reconsideration ang COMELEC sa desisyon ng Supreme Court.
“Magpa-file ata sila ng motion for reconsideration at ang gagawin diyan ay magde-demonstrate sila kung ano ang magiging epekto niyan kapag natuloy, sa aking palagay medyo hindi nabigyan ng practical consideration ng Supreme Court ang mangyayari at maging ang SC ay walang tiwala sa vote counting machines, yan ang aking pagkakaintindi diyan.” Pahayag ni Macalintal.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas