Wala pang tugon ang Department of Education (DepEd) sa kahilingan ng Abra LGU na ipagpaliban ng isang buwan ang pagbubukas ng klase sa naturang lalawigan.
Ito ay dahil kailangan pang tiyakin ng lokal na pamahalaan ang mga gusali kung ito ay nasa ligtas na kalagayan.
Base sa nagkakaisang panawagan ng mga mayors ng Abra, dapat anilang iurong ang pagbubukas ng klase na magsisimula sa August 22 upang lalo pa itong mapaghandaan.
Pero sa nakalipas na press conference ng ahensya, sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, na nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan ng Abra para suriin ang mga paaralan na tinamaan ng magnitude 7 na lindol.
Posibleng aniyang maglagay ng temporary learning space upang magamit ng mga guro at estudyante.