Aprubado na sa committee level ang pagpapaliban sa barangay at SK elections sa darating na Oktubre.
Sa halip pinalusot ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang gawin na lamang sa ikalawang Lunes ng May 2018 ang nasabing eleksyon.
Dahil dito ang mga kasalukuyang barangay officials ay mananatili sa kanilang hold over positions hanggang mapalitan sila ng mga bagong halal na opisyal matapos ang eleksyon.
Sa isinagawang pagdinig, 19 na miyembro ng house panel ang bumoto pabor sa mosyon ni Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco may-akda ng isa sa limang panukala na tinututukan ng komite.
Dalawang committee members lamang na sina ACT Teachers Party List Representative Antonio Tinio at Gabriela Party List Representative Arlene Brosas ang bumoto laban sa mosyon.
Iginiit ni Velasco ang suspensyon ng barangay at SK elections sa Oktubre at gawin sa ikalawang Lunes ng Mayo ng susunod na taon dahil halos dalawang buwan na lang ang magiging paghahanda ng COMELEC sa naturang halalan.
Matapos lumusot sa committee level ang panukalang pagpapaliban sa barangay at SK elections ay susulong na sa plenaryo para sa pagtalakay ng mga kongresista.
Naniniwala naman si House Panel Chair Sherwin Tugna na maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala bago matapos ang buwang ito.
By Judith Larino / (Ulat ni Jill Resontoc)