Iginiit ni Election Lawyer Atty. George Garcia na walang basehan ang pagpapaliban ng halalan sa susunod na taon bunsod ng COVID-19 pandemic.
Kasunod ito ng isinampang petisyon ng grupong nagpapakilalang Coalition for Life and Democracy o NCLD na iurong sa 2025 ang halalan dahil sa banta ng Omicron variant.
Ayon kay Garcia, base sa Section 5 ng Omnibus Election Code, mabibigyan ng kapangyarihan ang COMELEC na suspendihin ang halalan kapag may banta ng karahasan, terorismo, pagkasira ng election paraphernalia at iba pang kahalintulad na dahilan.
Sinabi pa ni Garcia na maaari namang iurong ng kongreso ang petsa ng eleksiyon pero hindi dapat lalagpas ng June 30.
Ayon naman kay Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson James Jimenez, sakaling iurong ang halalan sa taong 2025 ay posibleng malabag nito ang itinatadhanang konstitusyon.
Dagdag pa ni Jimenez na maaari lamang suspindihin ng kanilang ahensya ang halalan sa maigsing panahon. —sa panulat ni Angelica Doctolero