Ikinalugod ng OCTA research group ang pasiya ng pamahalaan na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng modified community quarantine (MGCQ) sa buong bansa hangga’t hindi pa nagsisimula ang mass vaccination kontra COVID-19.
Ayon kay Dr. Butch Ong ng OCTA research group, naaangkop ang pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munang buksan ang iba pang industriya sa buong bansa.
Ito aniya ay dahil nakita ang pag-akyat sa 1.22 ng reproduction rate ng COVID-19 sa bansa o ang bilang ng mga indibiduwal na nahahawa mula sa isang pasyente, sa nakalipas na dalawang linggo.
Paliwanag ni Ong, bagama’t hindi masyadong tumaas ang reproduction rate, hindi rin naman aniya ito bumababa.
Sinabi naman ni Prof. Guido David na kinakailangan ng mahigpit na pagmomonitor sa Cebu Province, Baguio City at Kalinga na nakapagtala ng 15% COVID-19 positivity rate.