Umapela ang mga business at labor leader kay Pangulong Rodrigo Duterte na agad maglabas ng Executive Order na magpapaliban sa pagtataas sa monthly Social Security System (SSS) contributions ng mga manggagawa at employer.
Sa Setyembre 27 joint letter, inihayag ng mga grupo na ang pagpapalabas ng EO ay kailangan para payagan ang mga micro, small and medium enterprise na ipagpatuloy ang kanilang negosyo at makapagbigay ng hanapbuhay sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang liham ay nilagdaan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Exporters Confederation, Trade Union Congress of the Philippines; Federation of free workers, sentro ng mga nagkakaisa at progresibong manggagawa, partido manggagawa, Federation of Filipino-Chinese Chamber Of Commerce and Industry, Makati Business Club, at Management Association of the Philippines.
Iginiit ng mga grupo na ang Republic Act 11548 na nilagdaan noong Mayo ay nagbibigay ng kapangyarihan ang Pangulo na ipagpaliban ang nakatakdang pagtataas ng SSS premium contributions para sa tagal ng deklarasyon ng State of Calamity.
Magugunitang itinaas ang SSS monthly contributions ng 13% sa pagsisimula ng taon, kumpara sa kasalukuyang 12% contribution na kinukuha mula sa sahod ng mga manggagawa.—sa panulat ni Drew Nacino