Ipinanawagan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) kay Pangulong Bongbong Marcos na ipagpaliban ang dagdag-kontribusyon ng Social Security System (SSS).
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, wala sa oras o bad timing ang contribution hike dahil sa mataas na inflation na nararanasan ng bansa.
Dapat anyang magkaroon ng kaunting extension o postponement sa pagtaas ng kontribusyon.
Idinagdag pa ni Luis na maraming microbusiness, employer at investor ang magrereklamo sa contribution hike.
Ipinunto naman ni Trade Union Congress of the Philippines Secretary General Arnel Dolendo na hindi napapanahon ang pagdaragdag ng kontribusyon dahil mataas ang inflation at mababa ang purchasing power ng mga manggagawa.
Ibinabala ni Dolendo na lalong hihirap ang buhay ng mga manggagawa kung ngayon itataas ang kontribusyon.