Mahigpit na ipagbabawal ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang paggamit ng drones at unmanned aircraft vehicle sa pagdaraos ng 31st ASEAN Summit.
Sa abiso na inilabas ng CAAP, sinabihan nito ang mga operator at hobbyist na magiging mahigpit sila sa pagpapatupad ng no fly zone mula November 9 hanggang 17 sa Maynila at Clark sa lalawigan ng Pampanga kung saan gagawin ang karamihan sa mga aktibidad ng okasyon.
Kaugnay nito, nag-isyu na ang CAAP ng NOTAM o Notice to Airmen na bawal ang drone operations simula November 9 sa sakop na 40 nautical miles radius centered sa Luneta Park at NOTAM, 40 nautical miles radius centered sa Clark Airport.
Sa ilalim ng provisions ng Philippine Civil Aviation Regulations, ang mga operators na lalabag sa rules of memorandum ay papatawan ng multang mula P300,000 hanggang P500,000 depende sa paglabag sa naturang kautusan.
Lockdown
Samantala, magpapatupad ang DILG o Department of Interior and Local Government ng “lockdown” sa ilang mga kalsada at lugar para sa ASEAN Summit simula November 8 hanggang 15.
Kabilang sa magpapatupad ng “partial lockdown” ang CCP Complex sa Pasay City simula alas-12:00 ng hatinggabi sa November 8.
Simula naman alas-10:00 ng gabi ng November 11 ay ipatutupad ang “total lockdown” sa SMX MAAX Block sa Pasay City at hatinggabi naman ng November 12 sa CCP Complex sa Pasay City.
Isasailalim rin sa “total lockdown ang Roxas Boulevard mula Padre Burgos Avenue hanggang Buendia sa November 13, alas-12:00 ng hatinggabi at bubuksan muli ito sa mga motorista dakong alas-12:00 ng tanghali.
Samantala, ipagpapatuloy ang pagsasara ng CCP Complex sa November 14 at bubuksan na ito sa mga motorista sa November 15.
Ayon kay DILG OIC Undersecretary Catalino Cuy, Sa oras ng lockdown tanging mga pedestrian at sasakyang may ASEAN ID lamang ang papasukin sa mga nabanggit na lugar.
—-