Pinamamadali na ng Una ang Edukasyon Party-list group ang pagpasa sa kanilang panukala na baguhin na ang guidelines sa pagsuspindi ng klase kapag may kalamidad.
Ayon kay Una ang Edukasyon Party-list Representative Salvador Belaro, hindi na naaayon sa panahon ang isinasaad ng Executive Order 66 na siya pa ring ginagamit na basehan sa suspension of classes.
Nabatid na sa ilalim ng Executive Order 66 na ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, makakansela lamang ang pasok sa mga paaralan at trabaho kapag signal number 3 na ang bagyo.
Ayon kay Belaro, kahit hindi signal number 3 ay dapat nang ideklarang walang pasok sa mga eskwelahan dahil iba na ang lakas ng bagyo ngayon.
Giit ng kongresista, kahit habagat lamang ay hindi na tumitigil ang mga pag-ulan at nagdudulot na rin ito ng matinding pagbaha.
Maaari aniyang i-update at i-reconfigure ang template depende sa lakas ng ulan, dami ng tubig, pagtaas ng ilog at pagbaha gamit ang mga monitoring devices para maging basehan sa suspensyon ng klase at pasok sa trabaho.
Binigyang diin ni Belaro na dapat ay nakabatay sa siyensya ang pagsuspindi sa klase at dapat ay kasama sa mga pagbabatayan ang man made calamities at hindi lamang bagyo.
“Here in Metro Manila kahit magkatabing lungsod ‘yan hindi magkapareho ang assessment nila ng danger, so ang sinasabi po namin ay there should be a centralized agency, it makes sense na dapat po ay Department of Science and Technology kasi dapat science-based, halimbawa earthquake there is an intensity basis for suspension, na sa ganitong intensity ay it can endanger human life.” Pahayag ni Belaro
Len Aguirre / Arianne Palma / (Ratsada Balita Interview)