Nagpaliwanag na ang PAGASA hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng bagyong Nona mula sa Nonoy.
Ayon kay PAGASA Forecaster Rene Paciente, ipinag-utos ni Department of Science and Technology Secretary Mario Montejo na palitan ang pangalan ng bagyo na “Nonoy” na katunog ng Pangalan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Tinawagan anya ni Secretary Montejo si PAGASA Administrator Vicente kahapon ng umaga o nang pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong may international name na Melor na palitan ang local name nito.
Dagdag ni Paciente, hindi nila nais ma-i-ugnay ang palayaw ng pangulo sa isang kalamidad kaya’t pinalitan nila ang pangalan ng bagyo.
Sa isang christmas dinner sa malakanyang press corps, inihayag ni Pangulong Aquino na may phobia na siya sa mga bagyong pumapasok sa bansa tuwing mag-papasko gaya ng Ruby noong 2014, Yolanda noong 2013, pablo noong 2012 at Sendong noong 2011.
Hindi ito ang unang beses na pinalitan ng PAGASA ang pangalan ng isang bagyo.
By: Drew Nacino