Bukas ang ilang gobernador na luwagan na ang restrictions sa domestic air travel ng mga biyaherong fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Iginiit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na kailangan nang simulan ang pagbubukas sa mga tourism site kung kaya’t nakipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang lokal na opisyal.
Aniya, masyadong magastos ang RT-PCR tests kaya’t nakikiusap silang tanggalin na ito bilang requirement sa mga pasaherong fully vaccinated.
Ang mga pasahero namang hindi pa bakunado ay kinakailangan pa ring magpakita ng negative RT-PCR test result.
Maliban dito ay, hiniling din ni Concepcion sa Inter Agency Task Force na bawasan na ang quarantine period sa international travelers mula sa North America gayundin sa vaccinated overseas workers.
Sa panukala ni Concepcion, maaaring gawing limang araw na lamang ang quarantine mula sa 10.—sa panulat ni Hya Ludivico