Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines o AFP na walang pipiliin at papanagutin ang lahat ng mga responsable sa pagkamatay ni Philippine Military Academy Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal, kanya nang inatasan ang PMA na magsagawa ng masusi at mabilis na imbestigasyon sa kaso.
Gayundin aniya ang paglilipat sa kustodiya ng mga mapatutunayang nagkasala sa mga kinauukulan.
Kasabay nito, nangako rin ang AFP na kanila nang ginagawa ang nararapat na mga hakbang para matiyak na hindi na mauulit pa ang katulad na insidente sa loob ng PMA.
Una na ring kinondena ni Madrigal ang nakaugaliang kultura ng hazing sa PMA at iginiit na hindi niya pinahihintulutan ang anumang aksyon na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga service men.