Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang muling pagpapasok sa mga dayuhang manggagawa at mga permanent resident visa holders sa pilipinas sa gitna ng nararanasang pandemiya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ilang mga bansa ang umaapela na sa pamahalaan para paluwagin ang umiiral na travel restrictions sa Pilipinas.
Aniya, marami na ang humihiling sa pamahalaan na payagan nang makapasok sa Pilipinas ang mga dayuhang manggagawa, partikular ang mga contractors ng mga flagship at malalaking proyektong imprastraktura.
Gayunman, tumanggi si Roque na banggitin kung anong mga partikular na embahada ang mga nagpaabot ng kanilang kahilingan.
Iginiit naman ni Roque na kinakailangang maging patas para sa lahat ng mga dayuhan ang gagawing polisiya hinggil dito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa kasalukuyan, tanging mga Filipino, kanilang asawa at anak, accredited na opisyal ng ibang mga bansa at international organization at dayuhang crew ng mga airline companies ang pinapayagang makapasok sa Pilipinas.