Nagpaalala ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa kanilang nasasakupan na mahigpit na ipinagbabawal sa lungsod ang paggamit ng anumang uri ng paputok at pyrotechnic devices.
Ito’y batay sa inilabas na Resolution No. 20-17 series of 2020 ng Metro Manila Council na kinabibilangan ng lahat ng mga alkalde ng National Capital Region.
Layon ng naturang resolusyon na maiwasan ang mass gathering maging ang iba pang paglabag sa umiiral na protocols na posibleng idulot ng pagpapaputok ng sa gitna ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Nakasaad pa sa resolusyon na maaring maparusahan ang sinumang lalabag sa kautusan sang-ayon sa RA 7183 at City Ordinance 0648 series of 2016 o ang batas hinggil sa paggawa, pagbebenta, distribusyon, at paggamit sa anumang paputok o pailaw.
Sa huli, payo ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa nasasakupan nito na sana’y sa pagsalubong ng Bagong Taon, isipin muna ang kaligtasan ng sarili at pamilya.