Ipinag-utos na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpaparecall sa mga natukoy na brands ng suka na gumamit ng pekeng acetic acid.
Ayon kay DTI secretary Ramon Lopez, nagpadala na sila ng liham sa mga supermarkets at iba pang distributors na tanggalin na sa merkado ang mga brands ng suka na tinukoy ng Food and Drugs Administration (FDA).
Sinabi ni Lopez na karaniwan rin namang nagkukusa na ang mga supermarkets at groceries na tanggalin sa kanilang establisyimento ang mga kuwestyonableng produkto.
Una rito, inihayag ng FDA na nakitaan nila ng synthetic acid ang sumusunod na brands ng suka: Surebuy Cane Vinegar na best before December 3, 2021; Tentay Pinoy Style Vinegar na best before March 18, 2021; Tentay Premium Vinegar; Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim at Chef’s Flavor Vinegar.
Kumpanyang nagmamay-ari ng vinegar brands, agad na kumilos
Agad na kumilos ang mga kumpanyang nagmamay-ari sa mga brand ng suka na di umano’y gumagamit ng pekeng acetic acid.
Ipinag-utos na ng Rustan’s ang pag pull out sa merkado ng kanilang Surebuy Vinegar matapos itong mapasama sa listahang inilabas ng Food and Drug Administration (FDA).
Samantala, nakatakda namang humingi ng paglilinaw sa FDA ang Tentay Food Sauces Inc., ang gumagawa ng Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vinegar at Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim.
Wala pa namang inilalabas na statement ang manufacturer ng Chef’s Flavor Vinegar.
Una nang ipinag-utos ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpaparecall sa merkado ng mga nabanggit na brand ng suka.