Abot kamay na ang bakuna laban sa dengue fever.
Ayon sa DOH o Department of Health, nasa proseso na ngayon ng pagpaparehistro ang bakuna at posibleng mailabas na ito sa merkado sa malapit na hinaharap.
Napag-alaman kay Dr. Lyndon Lee Suy, tagapagsalita ng DOH na gawa sa France ang bakuna subalit kasama ang Pilipinas sa mga nagsagawa ng pag-aaral.
Sinabi ni Lee Suy na sa ngayon ay binuksan na ng DOH ang mga express lanes sa mga ospital para sa mabilis na pag-asikaso sa mga pasyenteng mayroong dengue.
“So tinutuunan natin ang pagdami ng lamok, kung paano mapipigilan ang pagtaas ng bilang nila, pangalawa, ang mga hospital, they are ready to admit patients, in-activate na natin ang ating mga express lanes nang sa gayun eh ma-facilitate agad ang magpapatingin na pasyente, yung mga health center, bukas po ‘yan para tumingin ng mga consultation ng dengue.” Pahayag ni Lee Suy.
Una nang nakapagtala ng mahigit sa 16 na porsyentong pagtataas sa dengue cases ang DOH, pinakamalaki rito ang sa lalawigan ng Cavite na nagdeklara pa ng state of calamity dahil sa dengue.
Matatandaan na nagbabala ang DOH sa posibleng pagtaas ng kaso ng dengue ngayong umiiral ang El Niño dahil siguradong maraming residente ang mag-iipon ng tubig sa mga drum at balde na posibleng pamahayan ng mga lamok.
By Len Aguirre | Ratsada Balita