Posibleng pananakot lamang ang nangyaring pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) sa Quadrant 4 ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa nuong isang linggo.
Iyan ang nakikitang motibo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag kasunod na rin ng ginagawa nilang paggiba sa mga iligal na istruktura sa loob ng pambansang piitan.
Ayon kay Bantag, nagkamali ang mga sisiga-sigang preso sa Bilibid ng kanilang tatakutin bagkus ay lalo pa nilang paiigtingin ang paglutas sa mga problemang bumabalot sa loob ng NBP tulad ng kawalang matutulugan ng iba pang mga bilanggo
Sa panig naman ni dating NCRPO director ngayo’y chief of Directorial Staff ng PNP na si P/MGen. Guillermo Eleazar, malaking bagay ang naging pagtutulungan ng pulisya at ng BuCor sa paglilinis ng bilibid.
Naniniwala kasi si Eleazar na kung matutuldukan na ang pagdagsa ng droga mula sa loob ng piitan, tiyak aniyang masosolusyunan na rin ang problema ng iligal na droga sa mga komunidad.
Kung matatanggal yung mga illegal structures na yan (sa loob ng NBP), ay mawawalan po ng mga pagtataguan ng mga kontrabando na syang ginagamit ngayon para sa korupsyon at kanilang koneksyon sa labas…. At nakita natin na kung ma-solve itong problema sa BuCor, ay malaking solusyon ito sa ating problema sa iligal na droga, na ang makikinabang naman ay ang NCRPO at ang ating mga kababayan,”— PNP Chief of Directorial Staff Pol. Maj. Gen. Guillermo Eleazar.