Tuloy na tuloy na ang pagpapasara ng Estrella-Pantaleon Bridge na nagdurugtong ng mga lungsod ng Makati at Mandaluyong, simula sa Sabado, Enero 19 sa kabila ng reklamo ng publiko lalo ng mga motorista.
Ito ang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos silang magpasya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-atras ng isang linggo ang pagpapasara sa tulay mula sa orihinal na Enero 12.
Inabisuhan na ni MMDA General Manager Jojo Garcia ang mga motorista na asahan na ang matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa loob ng tatlumpung buwan o halos tatlong taon, simula alas kwatro ng madaling araw sa susunod na Sabado.
Paiigtingin aniya ng MMDA simula sa Lunes ang clearing operations sa mga itinalagang alternatibong ruta upang maibsan ang traffic congestion sa paligid ng Estrella-Pantaleon Bridge.
Dahil sa pagsasara, pinadaraan muna ang mga motorista sa Edsa-Guadalupe Bridge, C5-Road o Makati-Mandaluyong Bridge.
Layunin ng proyekto ng DPWH na laparan ang tulay sa apat na lanes mula sa kasalukuyang dalawa.