Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tuluyang ipasasara ang operasyon ng mga establisyimentong patuloy na nagtatapon ng dumi sa Manila Bay.
Ayon kay Environment undersecretary Benny Antiporda, mahigpit na nilang ipatutupad ang batas laban sa mga lumalabag na establisyemento.
Sinabi ni Antiporda, hindi na lamang pagtatanggal sa suplay ng tubig o pagsasara ng mga waterwaste ang kanilang gagawin kundi tuluyan ng pagpapatigil sa operasyon ang kanilang ipatutupad.
Kabilang aniya rito ang pansamantalang pagsuspendi sa business permit ng mga lumalabag na negosyo o establisyimento hanggang sa makasunod na ang mga ito sa itinatakda ng Clean Water Act at iba pang batas hinggil sa kalikasan.
Binigyang diin pa ni Antiporda na mahaba na ang panahon na kanilang ibinigay sa mga negosyante pero hindi pa rin aniya kumikilos ang mga ito.
270 pamilya sa Estero De Magdalena nirelocate
Aabot sa 270 mga pamilyang nakatira sa gilid ng Estero De Magdalena ang ni-relocate o nilipat ng tahanan.
Ito ay bilang bahagi ng isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay, gayundin ang masagip na sa panahon ng tag-ulan ang mga nasabing residente.
Ayon sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), ililipat ang inalis na residente sa proyektong pabahay ng pamahalaan sa Trese Martires, Cavite.
Posible namang gamitin ng mga ini-relocate na mga residente ang mga inupahang truck at vans ng PRRC at National Housing Authority sa paglilipat.
Samantala, tanggap naman ng mga residente sa gilid ng Estero De Magdalena ang pagpapaalis sa kanila sa lugar.