“Due process ang kailangan at hindi agarang pagpapasara sa mga kumpanya ng minahan.”
Ito ang naging reaksyon at mungkahi ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers hinggil sa naging pasya ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez na ipasara ang 23 minahan sa bansa dahil sa pagsira nito sa mga watershed areas bunsod ng umano’y indiscriminate mining.
Sa panayam sa programang Karambola sa DWIZ, iginiit ni Barbers na ang nasabing pagkasira sa kalikasan ay hindi naman nangyari ng magdamagan, bagkus ito ay maaaring resulta ng pagkukulang ng mga nagdaang opisyal na may pananagutan dito.
“Hindi naman nangyari ang destruction overnight, those people who are in the helm and supposed to protect our environment in the past several years, mukhang sila pa ang nag-uudyok na ipasara itong mga kumpanya ng minahan dahil sila ay nasa likod ni Sec. Lopez. Ang sa akin lang, bigyan mo ito ng due process, may destruction na ginawa, bigyan mo ng suspension, while the company is suspended, bigyan mo ng time to rectify sa nagawang violation at tingnan kung pwede pa silang mag-operate after a while.” Pagpapaliwanag ni Barbers
Aniya, malaki ang magiging negatibong epekto sa mga mamamayan ng pagpapasara ng maski dalawa o tatlong minahan sa Surigao del Norte.
“Kapag nagsara ang dalawa o hanggang tatlong mining companies sa Surigao Del Norte, around 200,000 katao ang apektado, kasama na ang mga maliliit na negosyo, kasama na diyan yung maliliit na karinderya, mga supplier ng piyesa, na talaga namang mahihirapan.” Dagdag ni Barbers
Samantala, sinabi rin ni Barbers na hindi lahat ng lumalabas sa telebisyon na nagpapakita ng pagkakalbo ng kagubatan sa Mindanao ay sa Surigao del Norte.
“Yung pinapakita sa TV na kalbo na ang kagubatan sa Mindanao, hindi lahat ‘yun sa Surigao del Norte, ang iba run ay sa Agusan at Dinagat islands.” Pahayag ni Barbers
Sa huli, inirekomenda ni Barbers na nararapat lamang na magkaroon ng maayos na koordinasyon ang DENR at mga lokal na pamahalaan upang malutas ang pagkasira ng kalikasan bunsod ng pagkakalbo ng mga kagubatan.
“Simple lang ‘yan sino ba ang regulating body sa bansa hindi ba ang DENR, sila ang nag-iissue ng permits, sila ang nagmo-monitor at nagbabantay. Ang kaakibat ng DENR diyan ay local government units (LGU). Dapat nakikita rin ng LGU kung durog-durog na ba ang bundok at ang kanilang dagat ay puro putik, so kailangan talaga ng koordinasyon dito.” Ang sabi ni Barbers
By Ira Cruz | Karambola (Interview)
*Pakinggan ang programang Karambola sa DWIZ kasama sina Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan Dela Cruz at Prof. Tonton Contreras, Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8:00 hanggang alas-9:30 ng umaga*
Photo Credit: DENR