Inamin ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre na malaking aray sa industriya ng turismo ang anim na buwang pagpapasara sa isla ng Boracay.
Gayunman, nanindigan si Alegre na hindi nila maaaring ikompromiso ang kinabukasan ng naturang isla na inabuso aniya nang husto ng mga negosyanteng lumabag sa mga batas pang-kalikasan.
Sinabi ng opisyal na ang tanging magagawa ng pamahalaan ay paspasan ang rehabilitasyon sa Boracay upang maibalik ang dating ganda at linis nito.
“Last year 800,000 po ang nagpuntang turista sa Boracay, this year alone, first 3 months umakyat pa ng 3 percent so we have to move fast, the sooner that we do the rehabilitation the better, kailangan nang gawin ang temporary shutdown, alam naman natin ang problema ng Boracay hindi na tayo puwedeng magbulag-bulagan diyan, ito na ang opportunity natin para magsama-sama tayong lahat, huwag nang pahirapan itong prosesong ito at gawin na natin ‘yung tama, ang paglinis ng Boracay, lunukin muna ang konting bawas sa kita, bawas sa promotion, ang long term goal ang importante.” Pahayag ni Alegre
Tourists
Kasabay nito, pinayuhan ng DOT ang mga turistang maaapektuhan ng pagpapasara ng Boracay na simulan nang i-proseso ang pagpapakansela o kaya’y pagpapa-refund ng kanilang mga booking sa mga eroplano at mga hotel sa isla.
Sinabi ni Alegre na ito rin ang magandang pagkakataon para bisitahin at subukan ng mga turista ang iba pang ipinagmamalaking destinasyon sa Pilipinas.
“Gamitin na lang for another date o kaya ay mag-refund at magamit na lang sa ibang lugar, ang advantage natin ay maraming lugar na napakaganda, ideally not as pristine as Boracay pero that’s still debatable now, is Boracay what it is 30 years ago? It’s not, so if you want a modern facility in a beautiful beach there is Bohol, Palawan, Camiguin, Siargao andami pang ibang destination.” Dagdag ni Alegre
Samantala, tiniyak ni Alegre na dadaanan sa tamang komunikasyon ang closure ng Boracay Island para na rin sa kapakanan ng mga dayuhang turista.
“’Yung communication plan kasi hinihintay na lang ‘yung petsa at length of time, ngayon meron na ‘yan expectedly ilalabas na through our foreign offices, through social media at mga katulong ng DOT para ma-disseminate ng maganda ang information para everybody is guided accordingly.” Paliwanag ni Alegre
Sa naging cabinet meeeting kagabi, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inaprubahan na ng Pangulo ang 6-month closure ng Boracay para bigyang daan ang paglilinis sa buong isla na magsisimula sa Abril 26.
Matatandaang inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, Department of Tourism o DOT at Department of Interior and Local Government o DILG ang rehabilitasyon sa naturang tourist destination.
Kaugnay nito, i-aactivate na rin ang calamity fund sa nasabing isla para bigyang ayuda ang mga manggagawang maapektuhan ng temporary closure.
Inaasahang muling bubuksan ang Boracay sa mga turista sa Oktubre.
(Ratsada Balita Interview)