Pinigil ng Malacañang ang closure at suspension order na inilabas ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez laban sa higit dalawampung (20) minahan sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nagkaisa si Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang gabinete na ipadaan sa due process ang nasabing kontrobersiyal na mining issue.
Sinabi ni Abella, bibigyan ng pagkakataon ang mga mining companies para tumugon sa naging resulta ng mining audit na naging batayan ng ipinataw na closure at suspension order.
Kasabay nito, magkakaroon pa ng malalimang pag-uusap ang DENR at Departmert of Finance bilang mga concerned government agencies sa binuong Mining Industry Coordinating Council.
Tampakan mining
Samantala, nilinaw ni DENR Secretary Gina Lopez na hindi siya hinahadlangan ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa kanyang kampanya kontra sa mga iligal na minahan.
Kasunod ito ng pagpapasara ni Lopez sa higit 20 mga mining companies.
Ayon kay Lopez, binilinan lamang siya ni Dominguez na siguruhing dumaan sa rule of law ang naturang desisyon upang hindi ito mabutasan.
Samantala, naipaabot na rin niya kay Dominguez ang planong pagpapa-audit sa Tampakan Mining sa South Cotabato na sinasabing may kinalaman ang pamilya ni Dominguez.
Matindi naman ang pagtanggi ni Dominguez na may kinalaman sa naturang minahan.
By Rianne Briones