Nagbabala ang pamahalaan ng Antique na posibleng maulit pa ang aksidente sa Panian mining pit sa Caluya Antique kung hindi pa ito ipasasara ng pamahalaan.
Ayon kay Antique Governor Rhodora Cadiao, umabot na ng dalawang kilometro sa ilalim ng karagatan ang butas sa Panian mining pit kaya’t delikado nang ipagpatuloy pa ang operasyon nito.
Sa ngayon, minamadali na ng pamahalaan ng Antique ang pagpasa ng resolusyon para hilingin sa national government ang pagpapasara sa Panian mining pit.
Ang pagguho sa Panian mining pit na kumitil sa buhay ng 9 na minero ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng aksidente sa minahan sa nagdaang dalawang taon.
Nilinaw ni Cadiao na hindi naman ang buong operasyon ng Semirara Mining and Power Corporation ang kanilang ipinasasara kundi ang Panian mining pit lamang.
Siyamnapung (90) porsyento ng coal supply ng bansa ang sinasabing nagmumula sa Semirara Mining Corporation.
“Sagad na sagad na ‘yang Panian pit na ‘yan, kung ilalagay natin siguro sa isang comparison eh umiiyak na ‘yung Inang Kalikasan diyan, panahon na para sarhan ‘yang Panian pit, huwag na nating i-overmine, sobrang lalim na ito, sobrang nipis na ito, meron pa naman silang alternative eh so hindi mawawalan ng trabaho ang mga tao doon at hindi mawawalan ng coal ang ating Semirara Coal Corporation.”Pahayag ni Cadiao.
May naging kapabayaan
Kumbinsido ang pamahalaang panlalawigan ng Antique na nagkaroon ng kapabayaan sa pagguho ng Panian mining pit na pag-aari ng Semirara Mining and Power Corporation na pag-aari ng DMCI.
Ayon kay Antique Governor Rhodora Cadiao, malinaw sa paunang imbestigasyon na hindi nasunod ang proseso para sa ligtas na operasyon ng minahan.
Ipinaliwanag ni Cadiao na hindi ang mining pit ang gumuho kundi ang tone-tonelada ng lupa na itinambak sa Panian pit.
Pito (7) na ang na-recover na labi sa pagguho ng Panian mining pit samantalang dalawa (2) pa ang pinaghahanap.
“Can you imagine, galing sa baba inilagay doon sa tabi nung Panian pit, loose soil, naulanan, nahulog doon sa mga may minero, hindi na natin kailangang antayin ‘yung investigation, considering na 2 accident na, suffice to say na it’s not safe anymore for miners to be there.” Dagdag ni Cadiao.
Cease and Desist Order
Samantala, bibigyan ng panibagong cease and desist order o CDO ang Semirara Mining and Power Corporation upang suspindihin ang operasyon ng Panian mining pit.
Ayon kay Atty. Jonathan Bulos, Director ng Environment and Management Bureau ng DENR sa Region 6, sa kabila ito ng CDO na una nang ipinalabas ng Department of Energy matapos gumuho ang Panian mining pit na ikinasawi ng 9 na minero.
Ayon sa EMB, ang CDO ay kaugnay sa mga nakita nilang paglabag ng Semirara Mining and Power Corporation sa kanilang environmental compliance certificate o ECC na inisyu noong Agosto 1999.
Una rito, nagpasya na ang Antique Provincial Government na magpasa ng resolusyon para sa tuluyang pagpapasara ng Panian mining pit.
By Len Aguirre | Ratsada Balita