Iminungkahi ng OCTA research team sa pamahalaan na ipagpaliban muna ang pagpapahintulot sa inbound travel o pagpapasok ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Ayon kay OCTA research team member Professor Ranjit Rye, mas makabubuti kung pag-aralan munang maigi ng pamahalaan kasama ng mga health experts ang pagtanggap ng inbound travel.
Ito ay hangga’t hindi pa gumaganda ang sitwasyon sa kaso ng COVID-19 sa bansa gayundin ng iba pang health indicators.
Iginiit pa ni Rye, marami pa ring bansa sa buong mundo ang hindi pa gaanong tumatanggap ng inbound travels o nagbubukas ng turismo sa mga dayuhan.
Magugunitang, pinag-aaralan na rin ng inter-agency task force on COVID-19 ang posibilidad na buksan nang muli ang inbound travels sa Pilipinas matapos namang payagan na ang non-essential outbound travel ng mga Pilipino.