Nananatiling mahigpit ang pagbabantay ng lokal na pamahalaan ng Baguio City sa kanilang mga border sa Benguet at Mt. Province.
Ito ay bilang pag-iingat laban sa pagpasok ng UK variant ng COVID-19 matapos makapagtala ng kaso ng mga ito sa bayan ng Bontoc.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, kinakailangan nang magpakita ng medical certificate o medical clearance ang lahat ng magtutungo sa kanilang lungsod mula sa Benguet at Mt. Province.
Samantala, sinabi ni Magalong na wala naman magiging pagbabago sa proseso ng pagtanggap nila ng mga turista mula sa ibang bahagi ng bansa.
Ito ay matapos naman aniyang aprubahan ng Inter-Agency Task Force ang kanilang hiling na buksan nang muli ang turismo sa lungsod sa kabila nang umiiral na General Community Quarantine sa buong Cordillera region.
Sa ating mga bisita naman dahil inaprubahan na ng IATF, iyong aming request na tumanggap na ng mga turista, ganoon pa rin po ang aming proseso kailangan po iyong mga umaakyat po dito sa Baguio, bisita o mga turista, they have to be swab tested 72 hours prior to their arrival dito sa Baguio, kung saka-sakali naman po na wala silang swab test, they can avail yung swab test sa triage namin na antigen test, ” pahayag ni Mayor Magalong.