Pinaghihinay-hinay ng ilang Senador ang House Committee on Justice sa mga inilalabas nitong pahayag sa publiko kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y makaraang pagbantaan ni House Justice Committee Chairman at Mindoro Rep. Reynaldo Umali si Sereno na ipasu-subpoena na ito upang mapaharap na sa kanilang pagdinig.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maaari lamang aniyang gamitin ang paglalabas ng subpoena sa mga pagdinig “in aid of legislation” at hindi sa kaso ni Sereno na isang impeachment proceedings.
Para naman kay Senador Francis Escudero, hindi dapat pilitin ang punong mahistrado na dumalo sa pagdinig lalo’t naniniwala siyang posible itong lumikha ng isang constitutional crisis dahil sa banggaan ng hudikatura at lehislatura.