Tiniyak ng National Capital Region Police Office o NCRPO na hindi magiging “hit list” ang listahan ng mga pangalan ng barangay officials na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kamakailan.
Ayon kay NCRPO Chief Director Camilo Cascolan, idadaan nila sa legal na proseso ang pagpapasuko sa mga opisyal ng barangay na sangkot umano sa operasyon ng iligal na droga.
Paliwanag ni Cascolan, magkakaroon muna ng “case build up” kung saan hahanap sila ng kaukulang ebidensya laban sa mga itinuturong opisyal na umano’y drug users at drug pushers at saka nila ito kakasuhan.
Sakali man aniyang mapatunayan nilang inosente ang mga nasabing opisyal, ay sila mismo ang tutulong sa mga ito na malinis ang kanilang pangalan.
“’Yung nakalagay doon which we believed naman na validated pong mabuti ng PDEA pero kung wala kaming makitang magtuturo ng involvement ng mga andun sa listahan ay magkakaroon din tayo ng tinatawag na buy bust, susubukan pa rin namin kung talagang gumagamit kayo o kaya ay nagtutulak, ngayon kung wala po talaga lahat ‘yan kami po mismo ang magre-request ng clearing ng inyong pangalan, ire-rekomenda po natin ‘yan sa PDEA para po maging fair ang ating imbestigasyon.” Ani Cascolan
(Balitang Todong Lakas Interview)