Ipinauubaya na ng Malakanyang sa susunod na administrasyon ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapasya kung babaguhin o itutuloy nito ang structure ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa ginanap na Laging Handa briefing, inihayag ni Department of Health (DOH) Usec. Myrna Cabotaje, nakaantabay lamang sila sa kung ano ang magiging kautusan o desisyon ng incoming Marcos administration sa pamamagitan ng maitatalagang bagong health secretary.
Sa ngayon ani Cabotaje, nakahanda na sila para sa gagawing pagturn-over ng lahat ng dokumento kaugnay sa naging COVID response ng administrasyong Duterte.
Kasado na rin aniya ang kanilang ahensya para sa pagbibigay ng briefer sa magiging susunod na kalihim ng doh ukol sa paglaban ng gobyenro sa COVID-19.
Inihayag pa ni Cabotaje na may mga rekomendasyon narin sila sa ibat-ibang concerned bureau ng Health Department upang ma-institutionalized ang mga hakbangin at programa ng National Vaccination Operations Office (NVOC) na response, integration at vaccination.